Monday, June 02, 2008

Sugatan Ang Ugat

Traysikel Drayber: “O, isa na lang, aalis na.”

Pasahero: “Ma, may dala ho kasi akong malaking bag. Mukhang ‘di kakasya kaya dito na lang ako sa susunod sasakay.”

Traysikel Drayber: “Tignan ko nga. Pwede 'yan! Dito natin sa bubong ilagay. Tara, para makaalis na tayo.”

Pasahero: “Sigurado ho ba kayong pwede? Baka malaglag eh.”

Traysikel Drayber: “Pwede 'yan.”

Pasahero (pasakay na): “Ma… paki-ingatan na lang…”

Traysikel Drayber (initsa ang bag sa bubungan ng sidecar): “Oo, akong bahala.”

Pasahero: “Hindi ho ba talaga mahuhulog 'yan?”

Traysikel Drayber: “Hindi 'yan!”

Naisip ko lang, kahit ba posibleng malaglag ang bagahe nung pobreng pasahero eh aaminin ba 'yun ng drayber? Ibig kong sabihin eh saang mundo mo makikita na ang sagot ng drayber ay:

“Oho, posibleng mahulong ang bag ninyo.”

O ang mas-angkop na katutuhanan na:

“Aba eh oho, talagang malaki ang posibilidad na malaglag ang bag ninyo at hindi naman talaga sadyang lalagyan ng kung anumang gamit ang bubong ng sidecar ko. Umaasa nga lang ako na hindi malaglag para walang aberya, pero sa totoo lang, kahit naman malaglag ‘yan eh ano ba ang pakialam ko? Kung gusto mo ng siguradong lugar para sa bagahe mo eh ‘di nag-taxi ka na lang sana. Kakamutan na lang kita ng ulo at dadaanin sa paghingi ng alanganing dispensa kung mahulog man ang bag mo-- isa lang akong dukhang api na naghahanap-buhay tapos gigipitin pa ako ng mga may-kayang tulad mo. Ngayon, tigilan mo na ang pangungulit at ng maka-lakad na tayo. Kailangan kong makadami sa biyahe.”

Ugat ‘yan ng lahat: “Kakamutan na lang kita ng ulo at dadaanin sa paghingi ng alanganing dispensa kung mahulog man ang bag mo.” Ang mga katagang “mahulog man ang bag mo” ay palitan mo lamang ng:
  1. “mabangga ko man ang sasakyan mo”
  2. “masagasaan man kita”
  3. “idamay ko man ang limang sasakyan sa isang aksidenteng dulot ng kapabayaan ko”
  4. “magkasakit ka man sa kinain mong tinda ko”
  5. "mapatay ko man ang iyong apat na taong-gulang na anak"
at nang 'sandaan pang ibang kasawian-palad.

Kawawa nga naman daw kasi.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home