Monday, September 29, 2008

Ligaya

Salamat, Tiya.

Sa, kung sa aking pakiwari man lamang, 'di mabilang na pagkakataon na dinampot mo ako at inihele. Sa, kung sa aking palagay man lamang, pag-aaruga na walang iniwan sa marapat na ibigay ng isang magulang. Sa walang-sawang pagtugon sa kahit anumang kahilingan ko: lomi, holen, turon, pandesal na may giniling, kape, ang pagsakay sa tren, at kung ano pa. Sa walang kapagurang paninilbihan sa amin. Wala kayong katulad.

Hindi kita lilimutin.

Ngayon, nang sabihin ng mga mediko na ika'y tila nasa mga huli nang kabanata ng iyong mahirap ngunit makulay na buhay, mahalagang malaman mo na hindi ka nag-iisa. Humihingi ako ng paumanhin kung huli na ang saklolo; sana mapawi ang kung anumang kalungkutan na dinulot ng aking kapabayaan ng aking pag-amin sa 'di masukat kong utang na loob sa inyo. Uulitin ko, wala ako dito kung wala kayo.

Hanggang sa muli nating pagkikita.

Magpahinga ka na, Ligaya. Talaga din namang matatapos ang kahit ano pang hirap; mapapawi rin ang kahit ano pang pagod. Ilang saglit pa ay ginhawa na lamang ang mararamdaman mo, Tiya. Lahat nang ibinuhos mong pagbibigay ay masusuklian na din, sa wakas. Nawa'y bigyan ka ng labis pa sa labis. Pahinga na, Tiya. Pahinga na.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home